July 11, 2025 (1:50 PM)

7 min read

107 views

Illustration by Wendyl Geronimo

“Nanay, tatay, gusto ko tinapay~”

Umiling si tatay, habang si nanay nama’y hinawakan ang aking kamay.

“Pasensiya na, nak, wala tayong tinapay ngayon. Magkanin ka na lang, para mas mabusog ka. May sardinas sa lamesa, buksan mo. Nandun sa kusina ang asin, lagyan mo na rin para mas masarap.”

“Ate, kuya, gusto ko kape!”

Lumingon si kuya kay ate at binigyan siya ng tingin na para bang nagmamakaawa na siya na lang ang sumagot sa akin. Napabuntong-hininga na lamang si ate at nilapitan ako.

“Bunsoy, ‘sensya na ha… magtubig ka na lang muna.”

Nagdabog ako. “Ha? Bakit? May kape naman tayo, diba?”

Walang umimik. “Bunsoy, may kape nga pero kapeng barako… wala tayong pambili ng asukal. Diba matamis na kape yung gusto mo?”

“3 in 1 ate, wala rin?”

“Mahal ‘yon. Kinse pesos, bunsoy. Barako lang meron tayo kasi limang piso, dalawang stick na kape na ‘yan.”

Ay, ganun ba, ate? Okay lang.

Ganun ba, kuya? Okay lang.

Ganun ba, nay? Okay lang.

Ganun ba, tay? Okay lang.

Pero bakit parang hindi?

Tinignan ko ang TV ng kapitbahay. Naka-full volume ang balita—drugs, krimen, patayan. Sa ilalim ng tunog ng mga baril at sigaw, naririnig ko ang “pangako ng pagbabago.

Sabi niya, wala nang kriminal. Sabi niya, wala nang mahirap.

Pero bakit ganito?

Oo, mahirap kami. Pero noon, nakakabili pa kami ng mga pangangailangan sa loob ng bahay! Noon, hindi ganito ang hapdi ng kumakalam na sikmura.

San ba ‘to nagsimula, ha? Di kami mayaman, oo, pero ‘bat parang mas ramdam ko ang pag-ipit sa amin ng panahon ngayon?

 San ba ‘to nagsimula?

Kanino ba ito nagsimula?

Kaninong pakana ba ‘to? Di ko kayang sikmurain ang naiisip ko. Kanino ba nanggaling ang mga pangakong napako? Sino ba ang nagtanim ng pag-asa at iniwang bulok ang ani?

Ayaw kong aminin sa aking sarili. Nauto na naman ba ang sangkatauhan? Ganon lang ba tayo kadaling utuin at kaya tayo naghihirap ngayon? Sinong may kasalanan ng lahat?

Sa totoo lang, sino? 

Eh sa pagsapit ng bagong umaga, sino ba yang mapagpanggap na hudas na nagsaing ng pangakong hindi naman pala luto? Nandito lang siya upang bigyang-buhay ang kanyang mga pangako ngunit ang mga pangakong ito ay wala namang kaluluwa. 

Dun ko pa napagtanto na kami ay kumakain na lang ng pako.

Ilang araw na ang umikot pagkatapos kaming napuno ng mga salitang hindi naman pala makain-kain. Walang tunay na pag-angat ba ang kapalit ng tinig namin? Grabe, ang tahimik na. Nangako lang tapos mang-iiwan lang din pala sa ere. Halos di ko na makita ang landas. Di ko na nga makita [visualize]ung ano ang uulamin naming hanggang sa akinse. 

Oh, sige nga. Ngayon ninyo ako sagutin, kung may nakakarinig man. Sinong may kasalanan ng lahat?

Sa totoo lang, sino? 

Ang pinangakuan na umasa? O  ang nangako at nagpaasa lamang?

Nagmamakaawa ako. Sagutin ninyo ako.  


Biglaang naging hamog ang mga salitang puno ng pangako. Murang bilihin daw. Mukhang ako pa ata ang mapapamura neto. Para tayong nanood ng pelikula, gasgas na. Gutom ang umiiral at ang buhay ay palubog na ang palubog. 

Sabi daw, “Aasenso tayo!” Pero bakit ang bigas hindi na kayang bilhin? Mas mabilis pang tumaas kaysa sa sweldo? Yung dating kaya pang tiisin, ngayon, pasan na sa balikat and lumolobong bilihin. Ang bawat patak ng pawis sa kalsada, ang bawat buntong-hininga sa hapag-kainan—lahat ‘yan ay marka ng mga pangakong napako at ng gobyernong tila bingi sa hinaing ng taong bayan.

At ngayon, para tayong sumisigaw sa isang silid na walang dingding—lahat ng hinaing natin nawawala sa kawalan. 

Sa labas, dumaan ang isang puting SUV. Mamahaling modelo, kumikislap ang bintana, hindi kita ang loob. Ang sabi sa TV, mga adik ang problema, pero ang mga namamatay ay gaya ni Aling Marta, na binaril habang nagtitinda ng sigarilyo. Si Mang Lando, na napagkamalang pusher pero tricycle driver lang pala.

Walang gulo, oo. Pero walang hustisya.

Nakita kong muling humigop ng kape si Tatay. Matagal siyang natulala sa kulay nitong itim, para bang may iniisip.

“Neng, kunin mo nga yung pitaka. May bibilhin lang ako.”

Kumunot ang noo ko. “Ha? Para saan?”

“Wag ka na ngang magtanong, Ineng at baka mahuli pa ako ng nanay mo. Bilis!”

Napangiwi ako. Para kang si Siman, Tay.

Si Siman.

Hindi siya bumuo ng pangarap—pinunit niya ang luma at pinangakong papalitan ng bago. Matapang siyang nagsalita, hinamon ang mundo, at hinayaan ang takot na maging batas. Sinabi niyang lilinisin niya ang lansangan, na uubusin ang sagabal sa kaunlaran. Ang mga tao, gutom sa pagbabago, naniwala.

Sinabi niyang wala nang droga, wala nang gulo. Pero ngayon, mas marami ang kaba kaysa tulog. Mas marami ang kaba kaysa hapunan. Ang lansangan, minsan puno ng buhay, ngayo’y tahimik—pero hindi dahil sa kaayusan. Tahimik, dahil wala nang natira.

Siman, ito ba ang hinulma mong mundo?

“Dapat bang matakot ang matino?” tanong ni Tatay minsan.

Hindi ako sumagot.

Kasi sino ba ang matino? Ang mayayaman sa condo, nagpa-party na may cocaine, pero hindi hinuhuli? O si Mang Cardo, na pinatay kahit wala namang kaso?

Sino ang talagang ligtas sa gabing ito?

Sa huli, tayo rin ang kumakain ng pako. Ang bawat pangako, lason na nilunok natin buong-buo. Wala na bang paraan para idura ito? O sadyang pinatay na rin ang bibig ng bayan?

Humigop ako ng kape. Mapait. Ang hirap palang lunukin ng kapeng barako nang walang asukal.  

Lumingon ulit ako sa TV pero mali pala yun. Mas pumait pa ang kape ko. 

Tsk tsk. 

Makalabas na nga muna.

Isang hakbang palabas ng pintuan, sinalubong ako ng hangin na may dalang alingasngas ng gabi. Tahimik pero mabigat, parang may bumabagabag sa hangin mismo. Sa gilid ng kalsada, may mga anino ng mga taong pagod, bumubulong ng dasal sa kanilang mga sarili.

Tahimik ang paligid, pero sa katahimikan, may nagkukubling panganib.

Isang malakas na putok.

Napakurap ako. Isang sigaw ang sumunod. Hindi ko alam kung kanino galing, pero ramdam ko ang bigat ng bawat salita. Ang hangin, na kanina’y malamig, ngayo’y tila humigpit sa aking leeg.

“Tay?”

Hindi. Hindi puwedeng si Tatay.  

Napatakbo ako. Hindi ko alam kung saan, hindi ko alam kung bakit, basta kailangan kong gumalaw. Pero parang bumigat ang hangin, parang may humawak sa paa ko at hinihila ako pababa.  

Isa pang putok.  

At sa isang iglap, bumagsak ang lahat.  

Bumagsak ang katawan ni Tatay sa semento.  

Duguan. Walang kibo. Nakadilat ang mga mata pero hindi na ako nakikita.  

Sa kanto, isang lalaking may hawak na baril ang sumakay sa isang motor. Itim ang suot, itim ang helmet, itim ang mundo. Wala siyang iniwang pangalan, wala siyang iniwang paliwanag. Tanging putok lang ng baril at ang katawang nakahandusay sa lansangan.  

Lumuhod ako sa tabi niya. 

“Bumangon ka Tay…”  

Hindi siya gumalaw. Hindi siya sumagot.  

Ang dugo niya, dumidikit sa aking palad, sa aking mga kuko, sa aking buong pagkatao. Ang amoy ng pulbura, ng dugo, ng gabi, humalo sa hangin. 

Isang pagkakamali, sabi nila.  

Isa na namang pagkakamali.  

Pero bakit kami?  

Bakit si Tatay, na wala namang kasalanan?  

Bakit hindi sila?

Ang SUV na dumaan kanina, ang mga lalaking nasa loob ng opisina, nagkakape habang ang aming tasa’y walang asukal.  

Bakit hindi sila?

Bakit kami?

Sa ilalim ng mga bituin, sa kalsadang binaha ng dugo, naramdaman kong may isang nilalang na pinapakain kami ng pako.  

At sa unang pagkakataon, alam ko na kung sino siya.  

Siya na nangako ng kalinisan, pero sa dugo pala ito isusulat.  

Siya na nangako ng kaayusan, pero sa takot ito itinatag.  

Siya na ginawang hanapbuhay ang pagkitil.  

At ngayong nasa harap ko si Tatay, wala nang buhay, wala nang tinig, naunawaan ko ang lahat.  

Kami pala ang presyo ng pangakong iyon.  

NOTE: This short story was published in the April 2025 Tabloid Issue of Atenews. Grab a physical copy for free in the Atenews office.



End the silence of the gagged!

© 2025 Atenews

Terms and Conditions Privacy Policy