August 21, 2025 (2:34 PM)

1 min read

71 views

Illustration by Mokie Mabilen

Utang na loob ko raw na ako’y inalagaan nila,
Kaya habang buhay, kailangan ko raw suklian.
Ito lang ba ang sukatan ng aking halaga?
Ang buhatin ang bahay sa balikat mag-isa?

Ako raw ang tanging pag-asa ng pamilya,
Ngunit bakit sa bawat araw, ako’y nauubos?
“Anak, bakit kulang ang ipinadala mo ngayon?”
Sa halip na “kumusta,” bigat ang ipinapasa.

Sa bawat hakbang, naririnig ko ang mga pako
Ng hagdang tinatapakan nila pataas.
Ako’y bata, ngunit ipinanganak na panhikan.
Bawal mangarap, bawal madapa, bawal huminga.

“Puro ka na lang luho! Paano kami makaraos?”
Parang krimen na ang sandaling ako’y magpahinga,
Itiklop ang pagod, sandaling ipikit ang mga mata,
Nang walang iniisip na kapalit o parusa.

Ako raw ay biyaya galing sa Maykapal,
Ngunit ako rin ang tukod ng tahanang guguho,
Kapag ako’y napagod, nadapa, tumigil.
Ako ang tuntungan na tinatapakan para sila’y makaahon.



End the silence of the gagged!

© 2025 Atenews

Terms and Conditions Privacy Policy