Hindi ko maituturing ang aking sarili bilang isang aktibista.
Kung isusumbat mo sa akin na hindi ako aktibista sapagkat hindi mapapantayan ng mga batayangpaniniwala ko ang mga makamundong sakripisyo ng mga pangalang nakaukit na lamang sa lapida ng paggugunita, kung hindi paninirang puri—sasang-ayon ako sa’yo. Habang ako’y nakaupo at nagtatipa sa malamig na ibabaw ng konkretong mundo—kampante at payapa—naglalakbay ang mga kaluluwang hanggang sa kabilang buhay ay namamalimos ng hustisya. Kung hindi pa iyon sapat, bawat hagod ng hintuturo ko papalayo sa katotohanan at saklolo, bagaman gumalaw man ang mga kamay ay nakabaon naman ang aking mga paa sa lupa. Ang mga ito ay nagsisilbing pahintulot sa patuloy na paniniil—isang kahabagang isinumpa kong kamuhian bilang bahagi ng aking pagkatao.
Pepe ang pangalang nag-iwan ng ‘di makukubling bakas sa kasaysayan ng pakikibaka para sa kalayaan ng mga Pilipino. Sa pagbigkas lamang ng pangalang ito, tila nagiging lehitimo ang pagbibitbit sa katagang pinagdusahan niyang matamasa: si Pepe ay isang aktibista. Hindi man sandata o sedula ang gumuhit sa kaniyang pagkabayani, isa siya sa mga unang lumuhod sa awa ng simbahan nang nanlilisik ang mga mata—nangungumpisal, ‘pagkat pagkakasala ang paghiling na mapatalsik ang mga Kastilang prayleng pilit na naghaharing uri sa ating lupang malaya. Nangako siya, sa kahabagan ng pananampalatayang Pilipino at alay sa tatlong paring ibinitay hudyat ng paglaban, na iaangat niya ang ang talukbong na pinagtataguan ng madilim na katotohanang nakakubli sa sagradong balatkayo. Naniwala siyang ang mga Pilipino, sa pamamagitan ng pagtitipon upang ipahayag ang pagmamahal sa bayan, ay may kakayahang labanan at patagin ang mapanlamang na kolonyal na sistema dahil ang hugis at itsura ng Pilipinas sa hubad nitong anyo ay mananaig at kailanman ‘di mabubura.
Hindi ako aktibista, sapagkat ikinahihiya kong banggitin ang pangalan ko sa kaparehong antas ng paninindigan sa pangalan ni Pepe. Tulad niya, ang pribilehiyo ko ay nagsisilbing tungtungan; hindi para makaangat sa mga taong nasa laylayan, kundi upang matanaw ang nakasisindak na reyalidad sa likod ng mga bakod na nagmimistulang paraiso. Ang kakulangan na nananatiling tila bakanteng espasyo sa sikmura ko ay dulot ng kagutuman para sa tunay na pagbabago: pagbabagong hanggang sa ngayon ay kumakalam at gumagambala nang walang lunas.
Si Pepeng ibinilanggo at nilitis ng kaniyang uring piniringan at pinagbitbit ng armas—sapagkat ang talas ng kanyang pluma ay walang habas na nilaslas ang mapangalipusta at mapanggapos na kolonyal na rehimen—ang siyang naging larawan ng mga humaliling makabayang rebolusyon sa Pilipinas. Si Pepeng tinanggap at pilit na hinarap ang balang minsan niya ring ipinagsumamo alang-alang sa hangarin niyang katarungan para sa bayan, ang siyang bayaning tumindig sa ibabaw ng mismong lupang kaniyang sinilangan at humarap nang walang panghihinayang sa mga mamamayang nanalig sa mga paninindigan niyang humiga’t bumunga sa habag ng kaniyang mga kasulatan. Ang kaniyang mga paninindigan, kahit na lumutang mula sa isang marangyang kapanganakan kumpara sa mga payak na Pilipino, ay hindi nawawalay sa tunay na kalakaran ng masalimuot na tadhana at puwersa ng bansang Pilipinas.
Kung pribilehiyo ang pag-uusapan, isa akong kolehiyalang nakapag-aaral sa isang pribadong unibersidad kung saan ang kaalaman, karanasan, at pagkakataon ay hatid kapalit ng karampatang kabayaran. Mas malawak man ang sakop ng mga mamamayang may kakayahang mag-aral sa kolehiyo ngayon kung ikukumpara sa panahon ni Pepe—kung saan ang mga ilustrado lamang ang maaaring mag-aral—ang pagkakasalungat ng ipinagkaloob na karapatan sa edukasyon ng mga Pilipino at ng mapait na katotohanang laganap na sumasalubong bilang tugon sa ating kalayaan ay tumpak na ehemplo ng mapanlamang na diperensya sa ating sistema. Ang pagkakagapos dito ng bansang Pilipinas na mistula natuldukan ng rebolusyon ilang taon na ang nakalipas ay halos walang pinagkaiba sa ilalim ng kung tawagi’y “demokrasya” na kinabibilangan natin ngayon. Ang edukasyon ay nananatiling abot kamay para sa mga mayayaman, samantala hindi man lang dumadaplis sa palad ng mga mahihirap. Kung mabatid man ng ating bayani ang kasalukuyang kalagayan ng edukasyon sa bansa ay sa malamang babangon siya sa kaniyang pagkakahiga at iiling sa‘tin bilang pagkabigo.
May mga panahong ang pinakamadaling gawin upang ipahayag ang kumakawala kong damdamin para sa nagiging kahihinatnan ng ating inang bayan ay magalit. Nagagalit ako, sapagkat tila hindi natututo ang mga kababayan natin mula sa nakaraang nakatatak na sa ating kasaysayan bilang mga numero at letra. Nagagalit ako, sapagkat tila ang mga Pilipinong pinanganak ng mga rebolusyonaryo ay nawawalan na ng pag-asa para sa sarili nitong kalayaan. Nagagalit ako, sapagkat walang nagagawa ang galit ko. Ngunit sa mga sandaling nararamdaman kong ang galit na ito ay sumisibol bilang poot na naliligaw ng direksyon, inaalala ko na ang mga sugat ay nananatili lamang malalim at hindi naghihilom, sapagkat may uring salarin sa patuloy na paghiwa rito.
Mahalaga ring alalahanin na hindi natutulog ang kalapastanganan. Ang mga boses na bumubulong upang gambalain ang himbing ng mga panaginip kong lumalayag papalayo sa realidad na dapat kong harapin ay mga boses na mula pa noon ay umaalingawngaw na sa katahimikan ng gabi. Ang mga magsasaka na siyang mukha ng walang humpay na pagsisikap, ay matagal nang dumadaing sa mga latigong nakatali sa mga maruruming kamay na humahataw sa mga likod nila. Sapagkat anumang lalim ng lupa ang kaya nilang yukuin, init ng araw ang kaya nilang indain, o rami ng palay na kaya nilang itanim, kung ang lupaing pinagtatamnan ng kanilang mga paa ay pawang hiram lamang sa mga mapanlinlang na makapangyarihan, sa sipag at tiyaga na lamang mabubusog ang mga magsasaka.
Ang tanawing sumasalubong sa aking alaala ay hindi isang paglalakbay sa berdeng katuwiran ng kapatagan o asul na katiwasayan ng karagatan. Hindi rin ito isang sipi mula sa kalangitan kung saan ang katwiran ay lumilipad kasama ang mga anghel patungo sa karampatan nitong mga nasasakupan. Sa halip, ito ay pagtatantong hindi berde ang kapatagan sapagkat pula ang dumadanak mula sa dugo ng mga magsasaka, mula sa mga biktima ng kasakiman at katiwalian—sa mismong lupang testigo ng kanilang unang hininga.
Lalo namang hindi matiwasay ang karagatan dahil nalulunod at ‘di na muling lumulutang ang mga mangingisda sa digmaan sa pagitan ng kabahagan ng buntot at kayamuan ng sikmura.
Ang mga nanumpa’t nangako—sa ilalim ng konstitusyong pinagbibigkis ang gobyerno at masa—na pagsisilbihan ang kapakanan ng mga tao ay siya ring nananatiling tahimik tuwing ang mga mangingisda ay sinasalakay ng mga banyagang minsan na nilang tinuring kaibigan. Ang karagatang pagmamay-ari ng ating bansa, na siya ring karapatan ng mga mangingisdang nabubuhay rito, ay wari inilalarawan na lamang ng mga gawa-gawang linyang nakapalibot dito. Habang ang sarili nating mga kawani ng bayan ay abala sa pagpapaalipin sa utos ng mga bansang nagpupumilit pumalit, ang mga mangingisda natin ay nakakapit na lamang sa natitirang pulgada ng kahoy sa bangkang pinagpapasadahan nila sa araw-araw at naliligaw sa ilalim ng karagatang tinuturing nilang tahanan.
Higit sa lahat, lalong hindi imahe ng kalangitan ang isang paraisong ginagambala ng sarili nitong mga manlilikha. Wala nang mas hihigit pang pagtataksil sa pang-aalipustang nanggagaling mismo sa mga katawang iniupo ng sambayanang Pilipino upang mamahala. Ang paniniil sa pamamagitan ng marahas na pagpapatahimik sa anumang pagtutol
Ngunit hindi ako si Pepe. Magkapareho man ang aming kapalaran: tinatahak ko ang landas na kanyang dinanas upang pukawin ang silakbo para sa hustisya, ngunit hindi kailanman magtutugma ang aming kasalukuyan.
Isa lamang akong duwag na nagtatago sa ginhawa ng pribilehiyo; may namumuong galit at nanginginig na simbuyo, ngunit walang tapang magpakita ng mukha’t ngipin.
Sabi ng propesor kong may kahusayan sa larangan ng agham pampulitika, hindi niya raw gustong banggitin ang salitang “pribilehiyo,” sapagkat tila idinidiin nito ang pagkakabyak ng langit at lupa—ng mga mayayaman at mahihirap—at nagluluklok ng sariling katotohanan, kung saan namamalagi ang paghihirap at dapat may magwawaging tagapagsalba ng mga naghihirap. Ang mga tangong ibinigay kong tugon sa mga sandaling iyon ay taliwas sa mga katanungang nais kong masagutan.
Bilang nasa unibersidad na isinasalaysay ang sarili bilang tagapagsilbi ng mga inaapi at ipinagsasawalang bahala, ang pagpapahintulot ng sadyang kamaangan sa agwat sa pagitan ng byaya at sumpa, ay isang delikadong kaisipan na nagpapahiwatig na ‘di ito nagkakaugnay sa pagpapahirap sa mga Pilipino. Kung gayong hindi na dapat pang banggitin ang pribilehiyong mismong bunga ng kawalang-balanse sa sistema, bakit tila ang aktibismo sa unibersidad ay namamatay? Bakit namamalagi tayo sa lilim ng katahimikan kung sa katunayan ay mas mabigat ang dagundong ng pinagsamang alingawngaw ng ating mga boses? Bakit mas ramdam pa ang paghahanay ng langit at lupa sa simoy ng himpapawid na dapat sana’y kumakalinga?
Gaya ng wikain ni Pepe, “Ano sa makatwid ang isang Unibersidad? Isang institusyon para hindi matuto? Nagtitipon-tipon ba ang ilang tao sa ngalan ng kaalaman at pagtuturo para hadlangang matuto ang iba?” Ang papel na ginampanan ko sa apat na pader ng silid-aralan ay hindi mukha ng isang aktibista, hindi rin mukha ng isang naghihirap—kundi mukha ng isang mangmang: mangmang na mas mangmang pa sa mga tinaguriang mangmang.
Bilang isang mag-aaral sa unibersidad na kinabibilangan ko, mayroon akong kamalayan sa mga kawalang-katarungang nagaganap labas sa kaginhawaang ipinagkakaloob ng pribilehiyo. Hindi naman mahirap maging mulat sa panahon ngayon. Maaari kang pumili ng direksiyong lilingunan, at maaari mong iwasan ang nakababalisang alingasaw ng mga napanis na sala, ngunit hindi mo matatakasan ang bangungot na dala ng una ninyong pagtatagpo: ang unang saklolo, ang unang titig-mata, at ang unang iwas-tingin.
Bago pumasok sa tarangkahang binabantayan ng mga guwardiya ng unibersidad, ang unang babati sa akin bilang liwayway ng umaga ay isang pulubing habang pasan-pasan sa nakaumbok na backpack niya ang kabuuan ng kanyang kasarinlan ay siya ring maghuhudyat na nagtapos na ang araw ko sa paaralan. Marahil siya ay hindi tanda ng simula at pagtatapos ng araw, bagkus paalalang ang kahirapan ay walang katapusan—isang bitag na hihipnotisahin kang maniwala na ang layo ng tinatakbo ng isang paralisadong nananaginip ay katumbas ng layo ng makakamit niyang kaunlaran.
Kaya siguro nagtatagpo ang landas namin kasabay ng pagsikat ng araw sa umaga dahil siya mismo ay hindi pa natutulog. At kaya siguro siya pa rin ang bungad ng pag-alis ko ay dahil wala pa siyang kain, at tanging pagluwas na lamang ng mga mag-aaral na nakakulong ang realidad sa hangganan ng unibersad ang huling awa ng araw upang magkaroon ng laman ang kanyang tiyan.
Ngunit hindi ako aktibista. Tulad ng daan-daang mukhang lumalampas bilang pagbati sa araw ng isang pulubing nakatingala, isa rin ako sa mga lumilihis ng direksyon at nagbibigay-konsuwelo sa sarili, “Estudyante pa ako.” May mga araw na nag-aabot ako ng barya, ngunit humuhubog lamang ito sa pakahulugang hawak ko, at ng iba, ang kapalaran ng buhay niya: isang naghihirap.
Ang tungkulin ko sa mga sitwasyong tulad nito ay mistulang nabibitag sa isang kongkretong kahon, na nagpapakahulugan ng hangganan ng aking magagawa o paniniwala. Ngunit hanggang saan nga ba aabot ang kaya kong gawin bilang isang mag-aaral? Ano ang nararapat kong gawin? Bakit tila wala akong kapangyarihan sa sarili kong mga panunumpa, gayong nanggigiit itong kumawala?
Bukod sa pagiging mag-aaral, labis kong ipinapasalamat na ako rin ay isang manunulat. Ang pagsanggi ng aking pluma’t papel ang siyang nagpapahiwatig na may mga puwang na kailangang punan sa gitna ng kawalan. Kapag pinagbuklod-buklod ko ang mga salita, may mga nabubuong pangako, mga nagbubukas na pag-asa, at mga larawang nabibigyan ng buhay.
Ang higpit na pagkakapit ng aking kanang kamay sa panulat ay isang ehemplo ng nakasanayang pagtitimpi: kung saan ang bawat letrang humihiga sa yaring kahoy na kapatagan ay lumalapat lamang kapag nagkasundo ang puso’t utak. Ang mga tula at kwentong nabubuo sa kahabagan ng damdaming nagngangalit ay nagtatangkang durugin ang hangganan sa pagitan ng langit at lupa.
Bagaman ang mga salita ay hindi kayang maghurno ng tinapay, hindi nakapaghahasa ng espadang magagamit sa digmaan, at hindi nakapaghihilom ng mga sugat ng mga patuloy na napipinsala—ang mga markang inuukit nito sa hangganan ng kasaysayan ay mananatili magpakailanman, upang maghimok ng mga bagong titindig at maninindigan.
Kapag tinatapos ko ang isang likha, pakiramdam ko ay umaakyat ako sa katarikan ng isang kabundukan, namamawis at naghihingalo, makamit lamang ang tuktok ng wakas. Ang wakas na nagmimithing maging ulyaw ng mga hangarin ng isang bayani at wakas na mananatiling makataong saklolo para sa mga hinaing ng mga Pilipino.
Marahil malupit lamang ako sa aking sarili, sapagkat ang tayog na inaasam ko para sa aking bayan ay hindi tumutugma sa mga nagagawa ko para rito. Nakakalimutan kong tulad ni Pepe, ang pagsusulat para sa katwiran ay hindi madali. Ang pagbibitay sa kanya, bilang isang bayaning ipinintang terorista, ay hindi lamang pruweba ng mga maaaring kahihinatnan ng pamumuhay bilang aktibista, ngunit isa ring paalala na ang mga hamong kinahaharap niya bilang saklaw ng kanyang tungkulin ay kapalit ng kalakhan ng pangarap niya para sa bayan.
Sabi niya sa nobelang El Filibusterismo, ang tubig—bagaman nalulunod man sa alak at serbesa—ay may kakayahang pumawi ng uhaw, sumingaw kapag niliyaban, at yumanig ng mundo kapag dumaloy sa karagatan. Hangga’t ang mga matang nakikita ang mga pagdurusang humihiyaw ng saklolo ay hindi sinasalubong ng pagbuka ng bibig o papalapit na paghakbang ng mga paa, mananaig ang walang pakundangang panggagapos sa karapatang pantao. Mananatiling basal ang mga paninindigang matayog na nangangarap, at patuloy na kukubli ang mga nagmimithing maging aktibista, tulad ko.
Bago mapuksa ang mga pasakit sa ating bayan, kinakailangang nito ng mga handang magkusa: kailangan ng bayan ng mga bibig na bubuka kahit pa mahina ang tinig at mga paang hahakbang palapit kahit na nangangatog ang mga binti. Sa gayon, ang makamundong silakbo ang maghihimok ng makalangit na pag-asa, kung saan ang tubig ay magiging karagatan at sa wakas ay yayanig sa dibdib ng mundo.
Kaya’t sa ngayon, hindi ko maituturing ang aking sarili bilang aktibista. Hindi pa.