Pinanganak ako ng babae,
Gayo’y pula ang unang kulay ng alapaap.
Unang pasakit, siyang una niyang yakap,
Impit na hiyaw na tanging nanghehele.
Sa hikbi kong tila alingawngaw ng nakaraan,
Tuliro, ligaw, sinusubukang tumahan.
Sumamong nagdurugo, pawang sugat ko’y ibsan,
Lumuluha naman, nanunuyo ang lalamunan.
Pinanganak akong babae.
Anino ng kalayaan ng ngayo’y ina,
Nanggagapos, hila-hila ang tungki ng blusa,
Ipinagdaramot ang buhay na ‘di kaniya.
Kambal tuko kaya’t nagkakapalit ng mukha,
Tinititigan ko sa salamin ang mga mata.
Nanlilisik, siyang hudyat ng poot na bumubunga,
Kapalarang pinagbuhol ay nakaukit na sa lapida.
‘Di ko mawari sinumang nagpasya,
Dalawang babaeng magkabilang dulo ang sikmura.
Sila pa ang mag-uubusan ng dugo,
Magtutuos sa mga salang pinako.
Kung maaaring humiga muli sa kaniyang bisig,
Humimbing na lamang sa hinhin ng kaniyang tinig.
‘Pagkat ano nga ba ang isang babae,
Kung hindi siya ang kaniyang ina?
Editor’s Note: This article was first published in the Banaag Diwa 2025: Nasaag Literary Folio of Atenews.