Sabihin mo kung ano ang kasalanan ko.
Sambitin mo muli ang pangalan ko.
Pantayan mo naman ang mga mata ko.
Masdan mo saglit ang awang ng mga labi ko.
‘Di naman yata patas na limutin mo na lang ako?
Bigyan mo naman ako ni isang pagkakataon.
Ibubulong ko sa ‘yo ang panawagan ko.
Hihimayin ko para sa ‘yo ang mungkahi ko.
Bakit ba hindi ka sumasagot?
Maawa ka naman, salubungin mo ang titig ko.
Nakiusap ako nang mahinhin, nagtanong nang mahinahon.
Ayaw mo bang makinig?
Alam mo kung paano ako magalit.
Hindi mo magugustuhan ang ingay ng sigaw ko.
Hahapdi ang palad mo sa higpit ng kamao ko.
Mababalitaan mo ang tindi ng hinagpis ko.
Baka masamain mo ang panlilisik ng mga mata ko.
Magluluksa ka ‘pag nakita mong gakos nila ang katawan ko.
Tama na!
Sobra na!
Wakasan na!
Hindi ako titigil, mamatay man.
Magkukrus ang landas natin, ‘di man ako ang kapiling mo.
Magtatagpo pa rin tayo, langit ka man at lupa ako.
Kaya sabihin mo kung ano ang kasalanan ko.
Sambitin mo muli ang pangalan ko.
Dungawin mo ang mga mata ko.
‘Di man muling aawang ang mga labi ko,
Baka sakaling maalala mo ako.