March 29, 2026 (9:17 PM)

2 min read

14 views

Graphics by Lawri Abangan

Sa loob ng sampung segundo,
napatigil ako sa presensya ng aking idolo.
Nang kanyang buksan at bagtasin ang pintuang gawa sa salamin,
Pumasok sa maginaw na kwarto ang mainit na ihip ng hangin.

Bitbit ang kwaderno sa braso at bolpen sa kamao,
Handa na siya sa isang digmaan ng mga artikulo.
Tahimik, walang imik, ngunit mga mata’y nangungusap.
Tanging sandata ay ang bukas na isipan at mga talukap.

Ngunit, ba’t parang sumisikip ang silid?
‘Di lubusang mabatid,
Kung lumiliit ba ang espasyo,
o ang pagtingin ko sa aking pagkatao?

Walang makaparehas,
sa kanyang husay sa pagtawid ng mga letra sa pahina.
Walang makatumbas,
sa natatanging katiyakan at diin ng kanyang tinig.
Walang makapantay,
sa kanyang galing sa pagmanipula ng itim na tinta.
Walang humpay,
ang kanyang mariing pananawagan laban sa kawalan ng katarungan sa lipunan.

Ang idolong minsan ko nang hinangaan,
ay madalas ko na ring kinasusuklaman at kinaiinggitan.
Sapagkat kahit kailan,
hindi ko siya kayang tumbasan o lampasan.

Sigurado na siya kung ano ang nais niyang abutin.
Sigurado na siya sa susunod na mga salitang bibigkasin.
Sementado na ang mga prinsipyo at ideolohiya.
‘Di na takot harapin ang madla—wala nang hiya.

Habang ako, nangangapa at nangangandarapa sa lalim ng kanyang anino.
Naguguluhan. Nakukulangan. Nagdududa. Nangangamba.
Parehas naman kaming nananaginip sa ilalim ng iisang langit,
Ngunit bakit magkaiba ang bituing sumisilip?

‘Di niya alam na lagi kong kinukumpara ang sarili sa kanya.
Ang kanyang mismong presensya ang humahadlang sa akin na malayang umasa.
Ano pa ang saysay ng bawat paghakbang,
kung hindi ko kayang sundan ang kanyang yapak sa pampang?

Nang umalis na siya at natapos na ang digmaan,
Tila natanggalan ng tinik ang aking lalamunan.
Pero hangga’t ‘di pa nauukit ang landas ko,
‘Patuloy akong papalakpak at tittingala sa aking idolo.

Editor’s Note: This article was first published in the Banaag Diwa 2025: Nasaag Literary Folio of Atenews.



End the silence of the gagged!

© 2026 Atenews

Terms and Conditions Privacy Policy