“Hindi ko naman yan problema,” sabi ng aking kaibigan,
Habang sumisimsim ng kape sa init ng sariling tahanan.
Sa labas, baha ang lansangan, nilulunod ang pangarap,
ng mga walang payong, nakayapak sa putikan.
“Puro ka nalang politika”, biro niya sa akin,
Wala raw saysay at magawa ang pinaglalaban.
Musmos daw ako’t wala raw nalalaman,
pero mas musmos ba ang tumatawa sa gutom ng bayan?
Akala nila ligtas sa laban ang hindi kumikibo,
Ngunit bawat katahimikan ay dagdag-lakas ng sakim.
Sa pag-upo at pananahimik sa gilid,
nagiging kasangga ng sistemang mapaniil.
Hustisya’y di darating sa tengang nagbibingi-bingihan,
Sa matang nakapikit, takot harapin ang katotohanan,
Bayan ay patuloy na nagdurusa, nalulunod sa hirap,
sapagkat susi ng pagbabago’y nasa kamay ng mamamayan.
Sa likod ng ginhawa at karangyaan ng tahanan,
Nakapatong ang dingding sa pawis ng masa.
Darating ang araw na guguho ang pader ng kasinungalingan,
at sa pagbaha, hindi ligtas ang nagsabing: “Hindi ko naman yan problema.”