April 24, 2026 (8:21 PM)

10 min read

46 views

Umani ng libu-libong tawanan at komento noong Enero 2026 na nakadirekta sa mga estudyante ng University of the Philippines (UP) ang ngayon buradong Facebook status update ng nagngangalang Sir Jack Argota na “[…] Sa bundok ka nag OJT? Anong course yan beh? BS Major in NPA?”

Ngayong Abril 2026 naman, ginagawang katatawanan ang pagkasawi ng isang lider-estudyante at community journalist na kabilang sa 19 na pinaslang bunsod ng marahas na pagpapaulan ng bala o isinagawang strafing ng 79th Infantry Battalion sa Negros Occidental.

Hindi ako isang iskolar ng bayan, ngunit bilang isang mag-aaral ng antropolohiya o aghamtao at isang mamamahayag—hindi rin ako estranghero sa ganitong pahayag. Napakalapit sa aking sikmura ang trahedyang naganap sa mga nasawi. Hindi na bago sa pandinig naming mga antropologo at peryodista ang pagsusupetsa sa amin tuwing fieldwork o pagsasaliksik at mass integration kung ano ang ginagawa namin. Kumakapit ang pagdududa sa aming hanay ng trabaho na nagtatampok ng paglalantad ng kabulukan sa sistema ng ating lipunan. 

Sumama lang sa protesta o nag-ulat, komunista na agad. Tumuligsa sa mga mapang-abusong kalikasang ng mga programa ng gobyerno, brainwashed na. Ultimo kahit mag-aaral o manggagawa ka sa likhas ng agham o agham panlipunan kung saan bahagi ng kurso o trabaho ang pagpunta sa mga liblib na lugar ay awtomatikong rebelde na raw. 

Na tila bang lehitimo lamang ang aming serbisyo kapag naglilingkod sa mga tinatanggap na anyo ng institusyonal at katamtamang paraan ng pagbabago: mga internasyonal na non-governmental organizations (NGOs) na pinopondohan ng mga may kapangyarihan at mga kawanggawa. Anumang bagay higit pa riyan ay masyado nang “radikal, mapanganib, at makaliwa.”

Matagal ko nang nasaksihan at mismong naranasan ang sandamakmak na red- o terror-tagging sa amin na nakikibahagi sa mga gawaing pangkomunidad, lalo na sa at para sa mga mahihirap na komunidad na bulnerable sa mga malalaking proyekto na hindi naaangkop, hindi napapanatili, at nakakasira sa kapaligiran at sa kanilang paraan ng pamumuhay. 

May mga bagay na imposibleng matutunan lamang sa loob ng kampus. At marahil ay ganoon nga dapat dahil ang edukasyon ay dapat mas malawak kaysa sa apat na dingding kung saan natin itong pilit na inilalakip.

Habang lalong nakikilahok ang mga estudyante sa mga pampublikong diskurso at paggalaw kaakibat ng lumalang krisis pang-ekonomiya, gayundin ang mga pagtatangkang i-delegitimize ang mga ito. Datapwat ang mga pag-atake na ito ay naglalayong sirain ang mas malawak na kultura ng pag-aaral na tumatangging manatiling protektado mula sa realidad sa lipunan. Pinapanatili tayong mangmang sa sarili nating paghihirap.

Sinusuri ng aghamtao ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao at lahat ng mga nakakasalamuha nito. Dahil dito, mahalagang makipamuhay sa iba’t ibang komunidad sa kanilang aktwal na kalagayan—anuman ang kanilang pagkatao at kung saan man sila nakatira. 

Gayundin, ang mga mag-aaral sa kawangis na mga programang sosyolohiya, development studies, social work, environmental science, agrikultura, forestry, heolohiya, public health, at edukasyon ay kinakailangang makipag-ugnayan sa mga tao sa mga kagubatan, kabundukan, at karagatan upang bumuo ng mga koneksyon sa pagitan ng mga nabubuhay na kontektso at ng kanilang disiplina. Ito ay patunay na ang pagtungo ay hindi nakukulong sa loob ng laboratoryo, silid-aralan, o pahina ng mga librong binabasa. Ang pagpapanday ng kaalaman ay hinuhubog sa direktang pagdanas at pakikipamuhay sa lipunang ating pinag-aaralan. Hungkag ang edukasyon kung ang pinagsisilbihan nito ay ang mga gahaman at makasarili.

Kaugnay nito, hindi kami makakasulat ng mga artikulo sa aming mga newsroom nang hindi lubos na nauunawaan ang mga konteksto ng mga isyu sa loob at labas ng unibersidad. Kaya naman, mayroon tayong mass integrations upang mas masaksihan mismo ang kanilang mga sitwasyon at tumpak na iulat ang mga ito. Higit sa lahat, ginagawa ito upang mas may pinagbabatayan ang mga pinaglalaban namin. Hindi makatarungan ang pagpapatahimik sa mga taong naglilingkod lamang at balahuraing “corned beef.”

Kung gayon, paano nga ba ginagawa ang aghamtao at human rights work? Sa pamamagitan ng nakaka-engganyong presensya. Binabagtas ang mga batis at bundok hindi para sa sabik, kundi bilang pagpunan sa pagkukulang ng gobyernong kinalilimutan ang kanilang mga mamamayan sa mga malalayong komunidad at inaalala lang tuwing may eleksyon.

Halimbawa, sinamahan ko ang aking foster parent na isang Bantay Bukid na magsagawa ng foot patrol upang subaybayan ang mga wildlife species, watershed monitoring, at rain forestation na aktibidad na nakatutulong sa reforestation ng upland at riparian forest sa loob ng watershed areas. Regular na sinusubaybayan ng Bantay Bukid ang mga lugar na kritikal sa kapaligiran, partikular na ang mga watershed na nagsisilbing kasalukuyan at hinaharap na mapagkukunan ng tubig-inumin ng lungsod. Nakatutulong ang kanilang presensya upang pigilan ang mga iligal na gawain tulad ng pagtotroso at pagpasok sa lupa habang tinitiyak ang patuloy na kalusugan ng mga ecosystem na ito. Sa pamamagitan ng participant observation, dokumentasyon, at direktang pag-aaral mula sa mga komunidad, nakakakuha kami ng kaalaman na makakapagbigay-alam at makapag-ambag sa mas patas at napapanatiling lipunan.

Kung may natutunan man ako mula sa paglahok sa aking disiplina at pamamahayag, iyon ay ang tunay na pagkatao ay lumalabas sa ating kakayahang magmalasakit at magbuo ng isang buong komunidad. Lalo tayong naging mas tao at makatao habang inaalagaan natin ang isa’t isa. Ang kalayaang pang-akademiko ay nagbibigay-kapangyarihan sa atin na pumuna at makisali sa mga kagyat na realidad sa lipunan.

Gayunpaman, ang mga naturang pakikipag-ugnayan ay patuloy na kinukuwestiyon. Ilang taon na ang nakalipas, ngunit parehong salaysay ang umaalingawngaw sa mga balita—pinaslang, pinararatangang terorista, at ibanabalandra ang kanilang mga mukha upang pagtibayin ang gawa-gawing naratibo ng estado. Ngunit sa katunayan, pagtuklas, pagmulat, at pakikipamuhay ang layunin nila sa pagpunta sa mga lugar na ito. 

Nasaan ba ang likas na yamang hindi natin napapakinabangan? Nasaan ba ang mga magsasaka at katutubo na nangangalaga at naglikinang ng mga yamang ito? Nasaan ba silang inaagawan ng lupa at brutal na pinapalayas sa lupang ninuno? Saan ba magsisimula ang pagunlad ng isang bansang atrasadong agrikultural?

Pagkatapos mapaghinalaang subversibo, pinaslang ang Filipino botanist na si Leonard Co noong 2010 habang nagsasagawa ng fieldwork para sa mga species ng puno na angkop para sa isang proyekto sa pagpapanumbalik ng kagubatan. Maraming endemic na species ng halaman ang pinangalanan sa kanyang karangalan, tulad ng Rafflesia leonardo—isang indikasyon kung paano maaaring gawing sandata ang pagsasaliksik na nagliligtas sa buhay sa pamamagitan ng pagtatanim ng takot. 

Katulad din nito, ang dating Atenews Features Editor na si Benjaline Hernandez, na nasa isang fact-finding mission sa Arakan Valley, Cotabato, sa iniulat na mga paglabag sa karapatang pantao, ay pinatay. Hindi man lang nakaligtas pagkatapos ng kanyang kamatayan, sinamantala ng isang broadcaster ng Bombo Radyo ang kanyang pagpanaw sa pamamagitan ng muling paggiit sa militar na propaganda na si Ate Beng ay miyembro ng diumano’y New People’s Army at pinaslang ng kanyang mga diumano’y kaalyado bilang bahagi ng diumano’y paglilinis ng mga rebolusyonaryo.

Ngayon naman, si RJ Ledesma, na kapwang manunulat sa Altermidya, ay pinaslang noong Abril 19 habang nagsasagawa ng pag-uulat kaugnay sa mga apektado ng renewable energy projects sa Toboso, Negros Occidental. Naunang inulat ng Philippine Army noong Abril 20 na may nangyaring sagupaan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng labing-siyam na indibidwal na inilarawan nila bilang “hinihinalang miyembro ng New People’s Army” sa lugar. Subalit, kinumpirma ng nasabing grupo na sibilyan ang lima sa labing-siyam na pinaslang ng tahasang aerial strafing at pagbobomba. Ngunit napakarami pa ring mga taong nagdiwang ng kanilang kamatayan na para bang sila ang nagnakaw ng bilyun-bilyon sa kaban ng bayan at pumatay ng daan-daan at libu-libo sa pagkukunwari ng isang digmaan laban sa droga. 

Sa ilalim ng Principle of Distinction ng International Humanitarian Law, obligasyon ng bawat panig sa isang armadong tunggalian ang paghiwalayin ang combatants o may armas sa mga non-combatants o sibilyan. Ang anumang pag-atake na hindi kayang kumilala sa pagkakaibang ito ay itinuturing na indiscriminate attack at war crime. Kapag ang isang bala o bomba ay pinakawalan nang walang katiyakan kung sino ang tatamaan, ang estado ay nagiging mersenaryo laban sa sarili nitong mamamayan.

Ang pagbaluktot na ito ay pinabilis ng social media, kung saan ang mga akusasyon, biro, at disinformation ay mas mabilis na kumakalat para sa pinansyal na pakinabang. Ang mga mag-aaral, akademya, iskolar, at aktibista ay matagal nang inilalarawan bilang mga marahas na ekstremista sa pamamagitan ng mga salaysay na itinataguyod ng estado na kadalasan ay lantarang itinulak ng NTF-ELCAC at Republic Act No. 11749 o Anti-Terror Act of 2020. Dumarami rin ang pagsibol ng disinformation networks sa dahilan ng pagprotekta sa kanilang mga anak mula sa pag-unawa sa mga ugat ng mga sistematikong isyu ng bansa.  

Hindi lang simpleng pagsisinungaling ang ginagawa dahil nagsisilbing lason ang disimpormasyong pinapakalat. Higit pa sa gaslighting ang nangyayari dahil ipinagpipilitan nila ang naratibong normal at katanggap-tanggap ang pagpatay nang walang pakundangan.

Ang pagtatak sa kanila bilang mga terorista matapos silang paslangin ay isang napakadesperadong hakbang upang pagtakpan ang katotohanan: na ang militar ay pumatay ng masang walang ibang armas kundi panulat, prinsipyo, at pagmamahal sa bayan.

Hindi tayo kailanman magagalak sa pagtatagumpay ng isang estado na nagpapanatili ng dehumanisasyon sa mga marhinalisadong komunidad sa pamamagitan ng sari-saring pagpatay. Ang sistematikong kawalang-katarungan at hindi pagkakapantay-pantay ay ang pinakamalaking banta sa ating mga kalayaan at karapatan. Hangga’t nananatili sila, responsibilidad nating harapin ang kanilang katotohanan, lansagin ang kanilang mga mekanismo, at dalhin ang kanilang mga may kasalanan sa hustisya. 

Ang mga realidad na nararanasan, lalo na ng mga mag-aaral sa labas ng kanilang mga paaralan—kahirapan, militarisasyon, hindi pagkakapantay-pantay, at marhinalisasyon—ang nagdidikta kung paano sila tumutugon sa kanilang tumaas na kamalayan. Ang radikalisasyon—kung saan ito umiiral—ay bihirang produkto ng grooming, ngunit isang tugon sa structural neglect. Ang magmungkahi ng iba pa rito ay ang pagtanggi sa kalayaan ng isang tao, pagwalang-halaga sa kasaysayan, at hindi paggalang sa mga gumagawa ng mahihirap na desisyon sa ilalim ng panggigipit.

Ang pagpili na maging neutral ay isang insulto sa mga marhinalisadong komunidad na ating pinaglilingkuran at kasosyo sa mga komunidad sa (re)production ng kaalaman. Ang pag-unawa, pagsusuri, at pagpapasya na manindigan sa mga komunidad na inaapi at niyurakan ay hindi terorismo—ito ay pangunahing paggalang at pagtatanggol sa kanilang mga karapatang pantao.

Kaya sa mga nagtatanong kung mayroon ba talagang nagreresearch sa kanayunan, ang aking tugon ay oo. Ang mga research na ito ang may hawak sa katotohanang hindi tinatanaw ng gobyerno. Paano natin haharapin o lulutasin ang mga umiiral na echo chamber sa ating lipunan kung hindi tayo makikipag-ugnayan sa mga tao sa lugar na iyon?

Sa bandang huli, ang aral ng pag-iiba at pag-iisa sa sarili at ibang tao, at ang pagtanggap na hindi tayo hiwalay sa danas ng iba lalong lalo na ang mga pinagsasamantalahang uri na maaaring labas sa ating kagyat na perspektiba, ay ang susi upang paghusayin ang lahat ng teorya at aral na ating nakuha mula sa karanasan at isapraktika ito. Hindi alintana ang banta ng pula sa noo, sapagkat ang pag-aaral sa lipunan ang siyang pinakamainam na pamamaraan upang hubugin pang lalo ang sarili, nang sa gayon, maitakwil ang hindi kanais-nais, at paglingkuran ang masa sa pinakamahusay nating pamamaraan.

Hindi lang dapat lip service ang panawagan para sa hustisya. Patuloy tayong lalaban para sa kinabukasan na paulit-ulit sinasabi sa atin na hindi natin maaaring makuha.


About Elliot Dimasuhid - Icarus

Fixated on contradiction, locality, and the occult, Elliot writes literature about death/desire and gender. Alongside his scholarly and social justice pursuits, he enjoys the company of nonhuman others and the breathtaking ecologies of Mindanao and beyond. Just like “Icarus” in the Greek mythology, he believes that one must fly their own way—burn out one way or another, wash ashore, try again. The only way to learn thresholds and develop sensibilities is by trying.



End the silence of the gagged!

© 2026 Atenews

Terms and Conditions Privacy Policy