November 1, 2024 (7:25 PM)

5 min read

25 views

Illustration by Annaliese Margarette Abrina

Hindi pa patay ang ama ko. 

O, sa mas mabuting salita, para sa akin, hindi pa siya patay. 

Nakahiga ang kaniyang bangkay sa pagitan ng sutla  na naka linya sa loob ng puting kabaong na kasali sa package ng St. Peter; ngunit sa sulok ng aking paningin, nakatago sa anino kung saan hindi nadadampian ng ilaw ng insensong kandila, siya’y nakatayo at minamasdan ako. Hindi tao, ngunit hindi rin multo—isang retaso ng aking hinagpis dulot ng kanyang kawalan. Isang pagsasatao ng dalamhati na maaari kong hawakan, ngunit hinding-hindi ko gagawin.

Pero ikaw—parang natural lang. Kasing simple lang ng paghinga. Nginingitian mo ang aparisyon na para bang hindi mo nakikita ang kabaong sa harap mo, o ang malamig na katawan na nakahiga sa loob; niyayakap mo siya na para bang hindi siya nawala. Na parang nandito pa rin siya. Na parang hindi siya ang imahe ng mahapding kawalan. 

Unang Araw

“Ama namin, sumasalangit ka,” simula mo, habang hinahaplos ang kuwintas ng rosaryo. Nakangiti ka sa kanya, na para bang may nakatagong biro sa dasal na tanging kayo lamang ang nakakaalam.

Mabigat ang aking pakiramdam. Hindi mo ba nakikita na kahit hawig niya ang ngayo’y nakalubong na, hinding-hindi niya mapapalitan ang papel na ngayo’y blangko na? Paano mo nakakayang hawakan ang kanyang kamay at hilain siya mula sa mga anino upang tumabi sayo habang sinisimulan ang pasiyam na iniaalay natin para sa kanya? 

Bakit ba sa pagitan nating dalawa, ikaw lamang ang may nakikitang maganda?

Ikalawang Araw

Baka hindi ako nakapagpag, o baka kaya’t hindi ko namalayang may kendi sa aking bulsa. Bakit ba sinusundan ako ng amang hindi naman talaga natin ama? 

“Sambahin ang ngalan mo,” tugon ko. Minamasdan niya muli ako. Hinihintay na siya’y bigyan ko ng pansin. 

Tinitingnan mo rin ako at nginitian; inaakay akong yakapin ang taong lumbay na suot ang balat ng ating ama. Pinikit ko ang aking mata. Hindi ngayon. Hindi kung kailang masyado pang sariwa ang sugat.  

“Mapasaamin ang kaharian mo.”

Ikatlong Araw

Nasanay na akong hindi tumingin. Iwasan ang kanyang mata. Sa halip ay pinaglalaruan ko ang krus sa rosaryo, hinahaplos ang katawan ni Kristo. Iniisip ang malamig na katawan ng aking amang anim na talampakan sa ilalim ng lupa. 

“Sundin ang loob mo dito sa lupa, para nang sa langit,” bigkas mo. Sa aking pananaw na nakatutok lamang sa silweta ng krus salungat sa sementong sahig, nakikita ko ang mga paa ninyo ng aparisyon na malapit sa isa’t isa. Hinigpitan ko ang hawak ko kay Kristo; para maramdaman ko ang hapdi ng matulis na krus, at maalalang may masakit pa sa kung ano man ang tumitira sa loob ng dibdib ko. 

Bakit ba parang kinaibigan mo ang sakit para sa akin?

Ikaapat, Ikalima, at Ikaanim na Araw

Paulit-ulit nalang. Napapagod na ako. Ayoko na. Bakit sa harap ko pa pinaparada ang mukhang ayoko na ulit makita, ginagamit para ipaalala ang sakit na dinadaanan ko?

“Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw. At patawarin Mo ang aming mga sala, para ng pagpapatawad namin, sa mga nagkakasala sa amin.”

Ikapito at Ikawalong Araw

Naamoy mo ba? Ang amoy ng alak na mula sa aking lalamunan? Naghahalong mga pantig at salita sa bawat pagbigkas ng panalangin sa Diyos; isang kilos na tila kalapastangan sa sagradong dasal—ngunit mas may insulto pa ba sa pagbuhos ng Diyos ng asin sa malaking sugat na natamasa nung namatay ang ama?

“At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso…”

Buti nalang ay matagal na nawawala ang lasa ng matabang na San Miguel sa aking sikmura. Sa unang pagkakataon matapos ilibing ang ama, hindi ko na nakikita nang harap-harapan ang salamin ng aking kalungkutan; isang maliit na biyaya ang malabo kong pananaw upang hindi makita ang detalyadong yakap mo sa ating ama.

Ikasiyam na Araw

“At iadya mo kami sa lahat ng masama.”

Sa wakas. Nakatawid na rin siya. Hindi ko na siya nakikita. Ngunit bakit ang bigat-bigat pa rin? Bakit ba mahapdi pa rin?

Apatnapung Araw

“Amen.” 

Hinawakan mo ang aking kamay at nginitian. Apatnapung araw na ang lumipas matapos ang pagkawala ng doppelgänger ni Ama—matapos pumanaw ang pagsasatao ng dalamhati mula nang mawala ang taong pinagmanahan. Pero ika’y nakangiti pa rin, na parang hindi siya nawala—at nakikita mo siya sa isang paraang ikaw lamang ang nakakaalam. Bakit ba ang pighati ay tila mabait sa iyo, at ang sakit nito ay labis para sa akin?

“Paano?” tanong ko. 

Kumurap ang mata mo bago ka tumawa. 

“Paano?” ulit mo. “Simple. ‘Wag malungkot.”

“Simple?” alingawngaw ko.

Lumaki ang ngiti mo. “Mas madaling ngumiti, kahit anong bersyon ng Ama. Masaya na akong may isang piraso niya, kaysa sa wala. Kahit masakit.”

Pinisil mo ang kamay kong hawak mo. “Mas pinili kong sumaya dahil nakasama ko siya, kahit gaano kaliit ng panahon. Nawala siya, oo, pero nakikita ko siya sa lahat.”

Hinawakan mo ang pisngi ko, at sinandal ang iyong noo sa akin. 

“Nakikita ko siya sayo.”

Isang Taon

“Ama namin,” simula nating dalawa. Hinawakan mo ang kamay ko, at hinawakan ko rin ang iyo. Sa isang maikling sandali, nakita ko muli siya—ang ama—o ang hindi ama? Hindi na mahalaga. 

“Sumasalangit ka.”



End the silence of the gagged!

© 2024 Atenews

Terms and Conditions Privacy Policy